'Martial law, hindi gaanong ramdam sa Mindanao'

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 08:37 PM

Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang mga reklamo hinggil sa paglabag ng mga karapatang pantao sa Mindanao sa kabila ng pagsasailalim sa lugar sa martial law o batas militar.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Hindi akalain ng mga karamihan siguro na hindi naman talaga mararamdaman ang epekto ng martial law sa bawat sulok ng Mindanao. Makikita mo lang talaga ‘yan diyan sa area ng Marawi," pahayag ni Roque sa programang Usapang De Campanilla ng DZMM.

"Parang wala rin namang pinagbago," dagdag ni Roque.

May ilan kasing nangamba na maaaring malabag ang karapatang pantao ng mga taga-Mindanao sa pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng batas militar bunsod ng pakikipagbakbakan ng gobyerno sa teroristang grupong Maute.

Ito'y dahil sa mga patakarang ipinatutupad sa lugar gaya ng checkpoints, curfew at pagsuspinde sa privilege of the writ of habeas corpus.

Ang privilege of the writ of habeas corpus ay nagbibigay proteksiyon sa bawat mamamayan mula sa ilegal na detensiyon at pagkakaaresto nang walang ipinapakitang warrant of arrest.

Pero pinag-iingat pa rin ni Roque ang mga residente sa Mindanao sa patuloy na pag-iral ng batas miltiar, na nakatakdang wakasan sa Disyembre 31.

"Huwag magkakamali dahil na-suspend ang writ of habeas corpus. Kapag naaresto po diyan, wala silang remedyo sa hukuman para kuwestiyonin ang pagdedetena sa kaniya," ani Roque.

Mayo 23 nang ideklara ni Duterte ang batas militar sa Mindanao nang lusubin ng mga Maute ang lungsod ng Marawi.

Sa ilalim ng Saligang Batas, hanggang 60 araw lang maaaring umiral ang batas militar. Subalit, pinahintulutan ng Kongreso na palawigin ang batas militar ni Duterte sa Mindanao.

Alinsunod din sa Konstitusyon, maaari lamang magdeklara ng batas militar o suspendihin ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus kung mayroong "invasion" at rebelyon, o nanganganib ang kaligtasan ng publiko.

Kailangan ding agad magpulong ng Kongreso upang bumoto kung may sapat na dahilan ba ang pagdeklara sa batas militar.

Kung hindi kumbinsido sa desisyon ng Kongreso, maaaring dumulong ang kahit sinong mamamayan sa Korte Suprema.