Lalaki, patay nang mahulog sa motorsiklo, magulungan ng sasakyan

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 09:16 PM

NUEVA VIZCAYA—Patay ang isang lalaking angkas sa motorsiklo matapos siyang mahulog at magulungan pa ng mga parating na sasakyan sa bayan ng Bambang Linggo ng gabi.

Dinatnan ng mga pulis na nakahandusay sa national highway ng Barangay Macate si Romeo Cano, 58 anyos.

Sa paunang imbestigasyon, nasagasaan umano ang biktima ng motorsiklo at kotse.

Naisugod pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Sa mas malalimang pagsisiyasat, napag-alaman ng pulis na bago pa masagasaan ang biktima, nahulog pala siya sa sinasakyang motorsiklo.

Sa halip na tulungan, iniwan umano siya ng dalawang kasama.

“Kung sinuman iyong nakasagasa sa biktima, mas mabuting sumuko na para naman mabigyan ng hustisya itong biktima,” apela ni Police Chief Inspector Villegas Claveria na hepe ng Bambang Police.

Inaalam na ngayon ng pulisya ang mga may-ari ng sasakyang nakasagasa sa biktima, gayundin ang mga kasama niyang nang-abandona sa kaniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.