Kawalan ng disiplina sa MRT, pasakit sa mga may kapansanan, buntis

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 09:17 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Bukod sa mga aberya, nakadadagdag din umano ang kawalan ng disiplina ng ilang pasahero sa hindi maginhawang pagbiyahe sa MRT-3, lalo na sa mga buntis at taong may kapansanan.

Nitong Martes, alas-7 ng umaga, punong-puno ang isang bagon sa Araneta Center-Cubao MRT Station.

Dalawang pila lang dapat ang mga pasaherong papasok sa bagon ngunit sabay-sabay silang sumugod. Ang ilan ay dumiskarte pa para makasakay.

"Di maiwasan 'yong tulakan, rush hour, siyempre, nagkakagitgitan, nagkakapikunan," sabi ng pasaherong si Christian Santiago.

Itinalaga ang yellow line sa mga platform para maging maayos ang pila. Ipinagbabawal ang pagtapak sa gitna dahil ito ang magsisilbing labasan, pero maraming hindi pumapansin dito.

Doble ang hirap na dinaranas ng mga buntis, nakatatanda at mga taong may pisikal na kapansanan.

Hirap maglakad ang pasaherong si Jelin Oliveros, na apat na taon nang paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan.

Minsa'y muntikan na siya umanong sumalubsob sa sahig.

"Sana lang conscious sa paligid kasi may mga buntis, senior at PWD (persons with disabilities) ... buti na lang 'yong guard, aware siya kaya noong nabunggo ako, nasalo ako," kuwento ni Oliveros.

Araw-araw namang pumapasok ang walong buwang buntis na si Holy Vanessa Flaminiano.

Sa kaniyang regular na pagsakay ng MRT, nakabuo na ito ng liham ng reklamo sa pamunuan ng riles.

Lubos na umaasa ang mga pasahero na itataas ng MRT ang kalidad ng kanilang serbisyo.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.