Huli, multa, naghihintay sa motor sa labas ng motorcycle lane

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 09:33 PM

Huhulihin at pagmumultahin simula Miyerkoles, Nobyembre 22, ang mga nakasakay ng motorsiklo sa EDSA sa pagkakataong mahuli silang lumabas sa itinalagang lane.

Ito'y kasunod sa mahigpit na pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa batas-trapiko at mga designated lane sa EDSA.

Magpapakalat ng mga tauhan ang MMDA para manghuli at maiging babantayan ang mga kuha ng CCTV cameras na nakakalat sa kahabaan ng EDSA.

"We know you are using your motorcycles because of mobility, na puwede kayong sumingit kung saan-saan para wala kayong traffic ... kaya lang ang pagsingit, nasa lugar din iyan," ani MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia.

Puwede naman umanong mag-overtake o unahan ang ibang behikulo subalit dapat sa kaliwa ng behikulo dumaan. 

Kapag naka-overtake na'y dapat bumalik sa motorcycle lane.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinubukan ng ABS-CBN News na bumiyahe sa EDSA habang sakay ng isang motorsiklo.

Nagigitgit ang mga motorsiklo kapag pinapasok ng mga pribadong sasakyan ang motorcycle lane.

Kapag nagkakaroon ng pagbagal ng trapiko, hindi mapakali ang mga naka-motor at naghahanap ng masisingitang butas.

Ayon sa datos ng MMDA, 55 aksidenteng may kinalaman sa motorsiklo ang naitatala sa EDSA kada araw.

Si Ardie Subilbero, na 10 taon nang nagmomotor sa EDSA, umaabot ng tatlong aksidente sa loob ng isang buwan.

"Wala ka nang pakialam, di mo na iniisip 'yong disgrasya. Ang importante mahabol mo ang oras," ani Subilbero.

Karamihan sa mga nakasasalpukan ni Subilbero'y kapuwa naka-motor. Bihira ang pribadong sasakyan.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.