2 'guwardiya' sa Taguig, nahulihan ng mga baril at bala

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 06:35 PM | Updated as of Nov 22 2017 03:59 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang dalawang lalaking nagpakilalang pribadong guwardiya matapos mahulihan ng pulis ng tig-isang kalibre .45 at 9mm na baril sa Oplan Sita checkpoint sa Barangay Sta. Ana, Taguig City, Lunes ng gabi.

Kuwento ng mga nakaaresto na sina Police Officers 1 Jeric Loterte at Benedict Rivera Jr., napansin nilang walang suot na helmet ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo ilang metro mula sa checkpoint.

Nang pinalapit ng mga pulis ang motor, napansin nilang may nakaumbok na hawakan ng baril sa bulsa ng isa sa kanila. Nakumpirmang 9mm nga ito nang ipataas nila ang kamay ng dalawa.

Nakuha naman sa bag ng kaangkas ang isa pang baril at mga bala nito.

Sumama sa presinto sina Alvin Julius Aragon at Jonel Dequillo, kapwa 30 anyos.

Ayon kay Taguig City police chief Senior Supt. Alexander Santos, posibleng gun-for-hire ang dalawa.

Sabi ni Santos, inamin umano ng mga suspek sa tactical investigation ng mga pulis na may babarilin sila noong gabing iyon. 

Itinanggi naman ito ng mga suspek.

Depensa nila, pauwi na sila noon at nagdala ng baril dahil mapanganib umano sa lugar. Sabi pa ng isa, hindi sila sasama nang walang laban sa mga pulis kung mayroon silang ginawang masama.

May mga natatanggap din silang banta sa buhay dahil sa kanilang trabaho bilang tagapagbantay ng mga pribadong lote sa Taguig.

Nagsasagawa ang pulisya ng background check sa mga suspek pati sa pinagmulan ng mga baril.

Sumailalim na sa inquest ang dalawang lalaki para sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. --Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.