2 arestado sa paggamit, pagpapakalat ng pekeng pera sa Nueva Vizcaya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 08:29 PM

NUEVA VIZCAYA—Kulong ang 2 taga-Makati City matapos silang ireklamo ng ilang negosyante sa bayan ng Bambang sa probinsiyang ito dahil sa pagbili ng produkto nila gamit ang peke umanong pera.

Kwento ng tinderong si Vidalio Marte, umaga noong Sabado nang bumili ang dalawa ng sibuyas at bawang na halagang P110.

Nag-abot naman ang dalawa ng P1,000 na kinailangang suklian, pero napansin daw ni Marte na peke pala ang pera.

“Talagang pekeng-peke kasi natutuklap pa iyong parang makintab saka iba iyong kulay, blue na blue,” ani Marte.

Lakas-loob naman niyang pinigilang makaalis ang dalawa at ipinahuli sa pulis.

Narekober kina Kevin Santos at kasabwat niyang si Jamaica Cruz ang perang isinukli ng tindero.

Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of False Treasury Banknotes.

“Tatlo po iyong biktima nila, mga small businessmen. Ito ay naniniwala akong may grupo at sila po ay nakakalikom ng pera kapag ibinibili nila iyong mga pekeng pera,” ayon kay Police Chief Inspector Villegas Claveria, hepe ng Bambang Police.

Madalas daw maglipana ang mga pekeng pera tuwing magpa-Pasko, kaya ibayong pag-iingat ang ipinapayo sa mga negosyante.

“Iyong fake money, kapag nilukot mo, totally parang sira na siya o crumpled. Then meron din po iyong pag-examine diyan sa bangko na kapag nilagay mo sa machine ay hindi mabibilang,” paliwanag pa ni Claveria.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.