Pulis sumuko matapos mabaril ang lalaking sumita sa kaniyang parking

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2020 11:32 PM

Bakas pa ang dugo sa J.P. Rizal street sa Barangay 106, Tondo, Maynila kung saan binaril nitong Biyernes ng madaling araw ang 32 taong gulang na si Joseph Marga. Screengrab

MAYNILA — Sumuko ang isang pulis na nakatalaga sa Maynila matapos niyang mabaril at mapatay ang kanyang nakaalitan sa Tondo. 

Bakas pa ang dugo sa J.P. Rizal street sa Barangay 106, Tondo, Maynila kung saan binaril nitong Biyernes ng madaling araw ang 32 taong gulang na si Joseph Marga. 

Itinakbo pa siya sa ospital, pero idineklarang dead on arrival. 

Sugatan naman si Nelson Quiñones na tinamaan ng ligaw na bala, pero nasa ligtas nang kalagayan. 

Ang suspek sa pamamaril ay si Police Cpl. Norman Santos na nakatalaga sa Delpan police station. 

Ayon sa Manila Police District (MPD), nakaparada sa tapat ng bahay ng biktima ang motorsiklo ng suspek habang kainuman ang mga kaibigan, kasama si Quiñones. 

Sinita umano ng biktima ang pagkakaparada ng motorsiklo na naging umpisa ng pagtatalo. 

"Napagsabihan yata ng biktima 'yung suspek na 'yung motor niyang nakaparada medyo balagbag. Dahil doon nagkaroon ng heated argument. Pero after nu'n naawat naman. Sabi ng witness natin, umalis 'yung victim tapos bumalik may dala nang mga pamalo," ani Police Capt. Henry Navarro, hepe ng MPD homicide section.

Nauwi sa suntukan ang pagtatalo, at doon na umano binaril ng suspek ang biktima. 

Inaagaw pa umano ang baril ng suspek at sa gitna ng komosyon, tinamaan naman ng bala si Quiñones. 

Naiwan pa sa crime scene ang baril na ginamit ng pulis. 

Matapos ang ilang oras, nakumbinsi ng kanyang mga kabaro na sumuko si Santos. 

Nahaharap sa reklamong homicide ang suspek. 

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.