Ang 64 anyos na magsasaka na si Manuel Saulon, hirap sa pagkumpuni ng nabaklas na bubong at dingding ng bahay kaya nakikitira na lang muna siya sa anak. Screengrab
IRIGA CITY, Camarines Sur — Itinatayo na muli ng mga taga-Camarines Sur ang mga nasira nilang bahay dahil sa dumaan na mga malalakas na bagyo.
Pero ang 64 anyos na magsasaka na si Manuel Saulon, hirap sa pagkumpuni ng nabaklas na bubong at dingding ng bahay kaya nakikitira na lang muna siya sa anak.
"Minsan may trabaho, minsan wala... Siyempre parang naiiyak ka dahil matanda pa itong [bahay] sa akin," aniya.
Si Evelyn Sarmiento naman na nakatanggap ng donasyong trapal at yero, wala pang maipapangpader sa nawasak na bahay.
Siksikan muna sila ng 6 na anak sa isang papag sa pagtulog.
Ayon sa Iriga City Social Welfare Office, 82 pamilya na nawalan ng bahay ang nahatiran na nila ng ayuda sa Barangay San Antonio, na wala pa ring kuryente hanggang ngayon.
Ito ay matapos silang hambalusin ng mga bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses.
Samantala, namahagi rin ng tulong sa mga nasalantang magsasaka ang Iriga City Agriculture Office para mapanatili ang food security sa lungsod.
Sa bayan ng Bula, baha pa rin ang maraming lugar sa Barangay Ombao Polpog.
Naghatid naman ng ayuda si Vice President Leni Robredo sa 1,400 pamilyang nasalanta sa Caramoan, Camarines Sur.
Ipinaalala ni Robredo ang kahalagahan ng pagsunod sa mga abiso ng ng mga opisyal ng barangay tuwing may parating na kalamidad.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Bagyo, bagyong Ulysses, UlyssesPH, panahon, weather, disaster, Camarines Sur, CamSur