2 sinita dahil walang face mask, nakuhanan ng shabu na halagang P700,000

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2020 06:20 PM

MAYNILA — Arestado ang 2 lalaki sa Makati City matapos silang mahulihan ng mahigit P700,000 halaga ng shabu nitong Biyernes. 

Sa ulat ng Southern Police District, sinita ng mga nagpapatrolyang pulis sa Barangay Comembo alas-3:20 ng madaling araw ang 2 lalaki na walang face mask at lumalabag sa curfew.

Pero tumakbo ang mga lalaki papalayo at nagkahabulan.

Nabitawan naman nila ang isang lalagyang kahoy na nadiskubreng may nakatagong 9 sachet ng shabu.

Ayon sa pulis, nasa 110 gramo ito at nagkakahalaga ng P749,000. Nakumpiska rin ang ilang mga drug paraphernalia kabilang ang weighing scale.

Dati nang naaresto ang 2 suspek para sa ibang kaso. Edad 41 at 20 ang mga lalaki na taga-Barangay Rizal, batay sa police report. 

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Mula sa ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.