Pag-armas ng bolo sa enforcers maaaring magdulot ng karahasan: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 06:52 PM | Updated as of Nov 20 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Sa halip na bolo, ibang armas na lang ang dapat ibigay sa mga traffic enforcer para maproteksiyunan ang kanilang sarili mula sa mga pasaway na motorista, ayon sa opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA traffic czar Edison "Bong" Nebrija, maaari kasing magdulot ng karahasan kapag bolo ang dala ng kanilang mga tauhan.

"Malaking problema if it will be given to a wrong person kasi baka magamit sa ibang paraan," ani Nebirija.

Imbes na bolo, baka puwedeng batuta, pepper spray, o taser na lang ang ibigay sa mga enforcer.

Para naman sa enforcer na si Cesar Detera, na dating may nakaharap na pasaway na motorista, hindi rin bolo ang nakikitang sagot para matakot at respetuhin sila sa kalye.

"Imbes na ma-neutralize namin siguro, baka makapatay pa kami," ani Detera, na 7 taon nang enforcer.

Iminungkahi ni Marikina 1st District Rep. Bayani Fernando ang pag-armas sa mga MMDA enforcer ng bolo.

Magsisilbi raw ang mga bolo bilang proteksiyon ng mga enforcer sa mga motorista, ayon kay Fernando, na dating MMDA chairman.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.