Mga gumagamit ng vape sa mga pampublikong lugar aarestuhin

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 01:01 PM | Updated as of Nov 20 2019 06:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sisimulan nang damputin ng mga pulis ngayong Miyerkoles ang sino mang mahuhuling gumagamit ng vape sa mga pampublikong lugar. 

Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes na ipagbabawal na niya ang vaping devices o e-cigarettes sa mga pampublikong lugar, maging ang pag-angkat ng mga ito.

Sa isang pahayag, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Bernard Banac na inutusan na ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang lahat ng mga pulis sa buong bansa na ipatupad ang ban o pagbabawal sa paggamit ng vape.

Lahat ng mga lalabag ay aarestuhin at kukumpiskahin din ang mga gamit nila, sabi sa pahayag.

Makikipag-ugnayan ang pulisya sa mga local government unit at iba pang ahensiya para sa pag-dispose ng mga makukumpiskang vape.

Idineklara ring "no vape zone" ang tanggapan ng PNP sa Camp Crame, Quezon City, at iba pang tanggapan ng PNP.

Papatawan ng disciplinary action ang mga pulis na gagamit ng vape.

Sa isa namang news forum sa Maynila, sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na suportado nila ang utso ng pangulo laban sa pag-angkat ng vape at paggamit nito sa mga pampublikong lugar.

Inaabangan ng Department of Health ang paglalabas at paglagda ni Duterte sa executive order para sa tuluyang pagbabawal sa vape, ani Domingo.

Pero kahit wala pang dokumento, malinaw naman ang naging public pronouncement ni Duterte na ipagbawal ang vaping kaya dapat na itong ipatupad at sundin ng lahat, ayon kay Domingo.

GRUPO UMAPELA

Sa kabila ng pagsunod ng PNP at pagsang-ayon ng DOH, isang grupo na nagsusulong ng paggamit ng e-cigarettes bilang alternatibo sa tabako ang umapela kay Duterte na pag-isipan muli ang vaping ban.

Mas kaunti ang panganib na dala ng vape sa kalusugan kumpara sa mga ordinaryong yosi, base sa mga pag-aaral sa United Kingdom, ayon kay Dr. Lorenzo Mata, pangulo ng grupong Quit for Good.

"Without a viable alternative to smoking, now considered as 95 percent less harmful than tobacco cigarette, then we are depriving the 17 million Filipino smokers of this opportunity," ani Mata sa panayam sa ABS-CBN News Channel.

Pero ayon kay Maricar Limpin, executive director ng Action on Smoking and Health, ang mga pag-aaral na binaggit ni Mata ay kinomisyon ng mga kompanyang gumagawa ng vape.

"I think you are veering away from the first and basic principle and that is to do no harm," sabi ni Limpin kay Mata.

"That means you want to ensure people will not be harmed in any way. So if you are going to give alternatives, it has to be an alternative that is going to pose no harm to people," aniya.

Noong Biyernes, iniulat ng DOH ang kauna-unahang kumpirmadong vape o e-cigarette-related injury sa bansa.

-- May ulat nina Bianca Dava, Henry Atuelan, at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.