Binata patay sa pananaksak sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 05:46 AM

MAYNILA—Patay ang isang binata matapos saksakin sa Sampaloc, Maynila Miyerkoles ng hatinggabi.

Nagtamo ng saksak sa dibdib si John Nicolas Sayson, 18 anyos.

Naaresto ng mga awtoridad ang suspek na nagtamo rin ng sugat sa mukha matapos kuyugin ng ilang residente.

Base sa imbestigasyon, dumaan ang biktima, kasama ang kaniyang mga kapatid, sa Legarda St. corner Lacson St.

Ayon kay Police Capt. Alrey Bundalian, hepe ng investigation section ng Manila Police District (MPD) Station 4, hindi umano nagustuhan ng biktima nang tila kursunadahin ng suspek ang kapatid na babae.

Kinumpronta ng biktima ang suspek pero armado pala ito ng kutsilyo at nasaksak si Sayson.

Aminado ang suspek na nakainom siya pero dinepensahan lang umano niya ang sarili.

Dinala pa sa ospital si Sayson pero binawian din ng buhay. Kinuyog naman ng mga residente ang suspek matapos ang insidente.

Nasa kustodiya ng Sampaloc police ang suspek na nahaharap sa kasong homicide.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.