26 rebel returnees, nakatanggap ng livelihood program sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 07:16 PM | Updated as of Nov 20 2019 08:15 PM

Kagamitan at mga binhi sa pagsasaka ang natanggap ng mga dating kasapi ng New People's Army sa kanilang pagbabalik-loob sa gubyerno. Joanna Tacason, ABS-CBN News

MABINI, Pangasinan – Nabigyan ng pagkakataong magbagong-buhay ang 26 na dating mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na nabigyan ng water pump, mga binhi at pataba na gagamitin sa kanilang pagsasaka.

"Patuloy ang ginagawa nating monitor at paghikayat sa mga miyembro ng mga makakaliwang grupo na magbalik-loob na sa gobyerno at taus-puso natin silang tatanggapin sa lipunan. Tutulungan natin silang magsimulang muli at mabigyan ng pangkabuhayan," sabi ni Police Col. Redrico Maranan, Provincial Director ng Pangasinan.

Isa sa mga nakinabang sa programang Oplan Panagsubli ng Pangasinan Police ay si “Arjay,” radio operator ng isang grupo ng NPA. Ayon sa kaniya, na-recruit sila na sumama sa Communist Party of the Philippines dala na rin ng kahirapan.

Sa loob ng limang taon, sa kabundukan ng Zambales sila nanirahan at nagtago sa gobyerno. Nagre-recruit rin umano sila ng mga magsasaka para sumama sa kanilang grupo. 

“Sobrang hirap doon sa bundok, nagtatago lagi, kapag umuulan o bumabagyo, sobrang hirap talaga,” kuwento ni Arjay.

Dagdag naman ng pulisya na matagal nang insurgency free ang Pangasinan dahil wala nang naitalang karahasan o aktibidad ng mga rebeldeng grupo. 

Pero patuloy pa rin ang kanilang ginagawang pakikipag-uganayan sa Armed Forces of the Philippines lalo't boundaries ng Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Zambales, Benguet, at Cagayan ang probinsya ng Pangasinan na madalas daanan ng mga rebeldeng grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.