SAPUL sa CCTV: Estudyanteng nanlaban sa holdaper, nasaksak

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 08:47 PM | Updated as of Nov 20 2018 09:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Sapul sa CCTV ang panghoholdap at pananaksak ng isang lalaki sa Grade 12 na estudyante sa Barangay Malanday, Marikina City, noong Nobyembre 9.

Lumabas lang ng bahay para magpa-load sa tindahan ang biktima pasado alas-7 ng gabi. Habang naglalakad sa bangketa, isang lalaking nakabisikleta ang huminto.

Bumaba ito sa bisikleta at itinulak ang biktima sa pader at pwersang inagaw ang cellphone nito.

Nagpambuno ang dalawa dahil mahigpit ang kapit ng biktima sa bagong biling cellphone. Hawak naman ng lalaki ang Swiss knife at inundayan ng saksak ang biktima sa dibdib at kamay.

Natangay ng suspek ang cellphone at mabilis na tumakas habang na-trauma naman ang biktima.

Agad na ini-report sa barangay at pulis ang insidente at nakabalik na sa eskuwelahan ang biktima.

“Hindi raw po niya mamukhaan kasi nakatingin siya sa kutsilyo na nakatutok sa kaniya habang inaagaw, sinasalag po niya. Siya naghuhulog nun hanggang next year pa ‘yun,” sabi ng ina ng biktima.

Sabi ng barangay, pangatlong biktima na ng panghoholdap ang estudyante sa kanilang lugar.

Nangangamba naman ang pangulo ng homeowners para sa kaligtasan ng mga residente ng kanilang lugar gaya ng dalagang nabiktima ng mga magnanakaw na sakay ng motorsiklo noong Nobyembre 7.

Habang pauwi, hinablot ang bag ng babae pero pumiglas siya hanggang sa tumakbo paalis ang mga suspek. 

Dahil sa sunod-sunod na insidente ng holdapan, plano ng barangay na magtayo ng outpost at checkpoint sa San Diego Compound.

“Kung maaari, ‘wag na tayo manlaban. Gamit lang ‘yan. Ang buhay mahirap na maibalik. Nagkaroon na kami ng substation at susunod na sa bawat village,” sabi ni Mark James Alfonso, kapitan ng barangay.

Makikipag-ugnayan din daw sila sa karatig barangay para sa mas mahigpit na seguridad sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.