'Testigo' noon, pangunahing suspek ngayon sa kaso ng babaeng sinunog

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 06:51 PM | Updated as of Nov 21 2017 12:10 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpositibo rin sa droga ang suspek

Sumailalim na sa inquest ang pangunahing suspek sa kaso ng 22 anyos na babaeng natagpuang patay at sinunog pa ang bangkay sa isang abandonadong opisina sa Pasig noong Nobyembre 12.

Unang lumutang para tumestigo sa kaso ang ngayo'y suspek na si Randy Oavenada. 

Pero kalauna'y naging isa si Oavenada sa limang persons of interest ng mga pulis dahil umano sa paiba-iba niyang pahayag.

Sa salaysay noon ni Oavenada, pasado alas-10 ng gabi Nobyembre 10, nakita niya ang noo'y buhay pang biktimang si Mabel Tagala Cama sa labas ng gate ng kaniyang tinutuluyang bahay sa parehong compound kung saan nakagarahe ang mga bus ng Mega Bus Line sa Barangay Rosario, Pasig City.

May dalawang lalaki umanong umaaligid kay Cama noon.

Inilarawan pa ni Oavenada ang isa sa mga lalaki.

"Matipuno ang katawan... 'Yong buhok, medyo kulot," ani Oavenada.

Nobyembre 11, napadaan sa abandonadong opisina si Oavenada matapos daw kunin ang kaniyang sahod.

Muli raw niyang nakita ang isa sa dalawang lalaki sa tapat ng pinto ng opisina.

May napansin rin daw siyang usok na lumalabas mula roon na inakala niyang pausok lang para sa lamok.

"Ang nasa isip ko naman, maraming lamok kaya nagpapausok... Sa bus line nakikita ko lagi ang mga nakita ko no'ng gabing 'yon."

Pero sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na walang katotohanan sa mga pahayag ni Oavenada.

Matapos din ang isinagawang crime laboratory tests ng mga pulis, tumugma kay Oavenada ang fingerprints na nakita sa cellphone ni Cama na naiwan sa crime scene.

Nakita rin ang fingerprints ng suspek sa ginawang pantakip sa bangkay ng biktima

Ayon pa sa hepe ng Pasig police, tinunton nila ang itinuturong lalaki ni Oavenada na kaniyang nakitang umaaligid umano sa biktima. Pero napag-alamang natutulog ang nabanggit na lalaki noong panahong nangyari ang krimen.

Nagpositibo rin umano sa ilegal na droga ang suspek na kinuhanan ng sample ng ihi para sa pagsusuri.

Kasong rape with homicide ang isinampa laban kay Oavenada.

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang mga kasabwat ni Oavenada.

Bukod kasi sa fingerprints ng suspek, may iba pang fingerprints na nakuha mula sa cellphone ng biktima.

Tinututukan ngayon ng pulisya ang nalalabing apat na persons of interest at iba pang testigo sa krimen.

Nang humarap sa director ng National Capital Region Police Office, may ilang pangalan din umanong sinabi si Oavenada na umano'y mga kasama niya nang mangyari ang krimen.

Nagbigay na ng P300,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Pasig at ang pamunuan ng Mega Bus Line Corporation, kung saan nagtatrabaho ang ama ni Cama, sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa iba pang suspek sa krimen.

-- Ulat nina Bianca Dava at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.