PANOORIN: Gaano kahirap mag-MRT

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 10:42 PM

Nanindigan ang DOTr chief na hindi magbibitiw sa puwesto

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa loob ng walong taong naging pasahero ng MRT si Sonny Crisostomo, batid na niya ang tindi ng kailangang suungin para lang makarating sa kaniyang trabaho sa tamang oras.

Bukod sa panahong ilalaan sa pila, nakahanda na rin si Crisostomo sa hintayan din para makasakay sa mismong bagon ng tren.

Dahil siksikan sa tren, nakaugalian na rin ni Crisostomo na sa kaniyang pinagtatrabahuhang hotel sa Makati na magpalit ng uniporme para maiwasang madumihan ito.

Paglalarawan nga ng ilang pasahero, papasok ka bilang manggagawa, lalabas kang mandirigma sa MRT.

Hanggang ngayon, hinihintay pa rin ng mga pasahero ang noo'y naipangakong pagbabago sa operasyon ng tren.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nitong weekend, humingi na ng pang-unawa si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko kasunod ng nangyaring pagkalas ng bagon sa isang umaandar na tren.

"We offer no excuse, but apologies maybe to the public for the inconvenience caused," sabi ni Duterte.

Ginagawa naman daw ng gobyerno ang lahat ng makakaya.
    
"We are not resorting to finger pointing, sinasabi lang po namin lahat ng mga naging problema, 'yong pagpapalit ng maintenance provider at pagtatalaga ng Busan, 'yan po ay ginawa sa nakaraang administrasyon," paliwanag ni Harry Roque, presidential spokesperson.

Pananaw din ng isang transport engineer, hindi sana aabot sa ganitong kalala ang problema, kung hindi lang nagkaproblema sa papalit-palit na maintenance provider sa loob ng limang taon.

Ang nangyaring pagkakakalas ng isang bagon sa tren o "uncoupling" nitong nakaraang linggo ay hindi na bago.

Noong 2011, sa Kamuning station nagkaroon na ng uncoupling at posibleng kahalintulad din daw ito ng insidente noong 2014 kung saan dumausdos ang tren at dumeretso hanggang sa bumangga sa Taft station.

"It will not be surprising if somebody will again be found to be guilty just so the responsibility can be attributed to somebody who cannot defend himself," pananaw ni Rene Santiago, isang transport engineer. 

Humingi na ng saklolo ang MRT management sa National Bureau of Investigation para imbestigahan ang iba't ibang anggulo, partikular na sa posibilidad ng pananabotahe.

"Kailangan naming imbestigahan ang lahat ng humawak sa tren," ani Mike Capati, tagapagsalita ng MRT. 

Sa ngayon, gobyerno ang namamahala sa operasyon at pansamantalang nagpapanatili ng MRT.

Kaso vs. mga dating opisyal

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dahil naman sa sala-salabat na problema sa MRT, hiniling ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano ang pagbibitiw sa puwesto ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Pero, nanindigan si Tugade sa kaniyang mandato mula sa Pangulo.

"Only the president can ask me to resign, hindi lahat ng problema, ina-address 'yong resignation, only the President can ask me to resign. I serve at the pleasure of the President and no one else," ani Tugade.

Gusto naman ng Bayan Muna na managot ang mga dating opisyal ng Department of Transportation sa isinampang reklamo sa Ombudsman.

Nanguna sa listahan si dating Secretary Joseph Emilio "Jun" Abaya at dating MRT general manager Roman Buenafe kasama ang iba pang opisyal ng Transportation department at ng maintenance provider na Busan Rail, Inc.

      Kinasuhan ng graft at paglabag sa procurement law:

      Dating Secretary Joseph Emilio Abaya
      Dating MRT general manager Roman Buenafe
      Dating Undersecretary Rene Limcaoco
      Catherine Gonzales
      Edwin Lopez
      Ofelia Astrera
      Charissa Eloisa Julia Opulencia
      Oscar Bongon
      Jose Rodante Sabayle
      Maria Cecilia Natividad
      Eldonn Uy
      Elizabeth Velasco
      Belinda Tan
      Brian Velasco
      Chae-Gue Shim

Ayon kay Bayan Muna chairman Neri Colmenares, gusto nilang papanagutin ang mga dating opisyal dahil sa pagwaldas sa pondo ng bayan.

Sa kaniyang text message, sinabi naman ni Abaya na wala silang dapat katakutan at walang dapat itago.

Handa umano nilang harapin nang may malinis na konsensiya ang reklamo tulad ng ginawa na nila sa dating reklamong inihain laban sa kanila. 

Saad ng pahayag ni Abaya: "We have nothing to fear and nothing to hide. We are ready to face these with a clean conscience and the facts on our side , as we have done in a previous complaint filed against us."

-- Ulat nina Kevin Manalo, Jacque Manabat, Jorge Cariño, at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.