Niloobang mga bahay, daing ng mga 'bakwit' sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 09:12 PM

Nagsibalikan na ang libo-libong residente ng Marawi matapos ang anim na buwang pagiging 'bakwit'. 

Nitong Lunes ng umaga, sumikip ang trapiko papasok ng Marawi matapos buksan sa mga residente ang 10 barangay ng lungsod.

Pero mabilis ding nakaramdam ng lungkot at dismaya ang mga residente nang madatnan nila ang mga nilooban nilang mga bahay.

Naluha na lang si Sahara nang makitang tila binagyo ang bahay na iniwan niya nang maayos.

Sira-sira na ang lahat ng kanilang gamit at pati paninda nila'y naubos.

Naawa si Sahara para sa kaniyang pamilya dahil wala na ngang kabuhayan ang kanilang pamilya, ganoon pa ang kanilang naabutan.

Wasak na bahay din ang tumambad kay Aslainah Tahir.

Malaking problema pa nila kung anong gagawin sa kaanak nilang may sakit na diabetes.

Hindi rin maisip ng ibang residente kung paano babangon, lalo't nanakawan pa sila.

Bukod sa mga sira-sirang kasangkapan at gadget, nanakawan din ng mga alahas si Norja Mangandaman.

Ayon sa Task Force Ranao, ngayong linggo rin nakatakdang buksan ang ilan pang barangay sa Marawi. Kabilang rito ang Bacolod Chico, Toros, Lumbaca Toros, Tuca, Pindolonan, Dayawan, Amito Marantao, Poona Marantao, at Bangon.

Hindi pa masabi ng militar kung kailan bubuksan ang 24 na barangay sa main battle area, na malubhang napinsala sa limang buwang bakbakan.

Patuloy pa kasi ang clearing operations ng militar para sa mga hindi sumabog na bomba at improvised explosive devices. 

Sa nakalipas na dalawang araw, 16 na bombang hindi pa sumasabog ang nakuha ng militar. Anim dito ay natagpuan sa iisang bahay sa main battle area. -- Ulat ni Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.