Halos 600 sasakyan, nasampolan sa yellow lane policy sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos 600 pribado at pampublikong sasakyan ang nasampulan sa pinaigting na pagpapatupad ng yellow lanes policy sa EDSA nitong Lunes.

Napatunayan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na puwede naman palang sumunod ang mga motorista kung ipatutupad nang husto at maghihigpit sa batas-trapiko.

Bawal pumasok ang mga pribadong sasakyan sa yellow lanes na para sa mga bus. Bawal din naman lumabas ang mga bus sa mga lane na inilaan para sa kanila.

Sa unang sigwada ng yellow lane policy, 585 ang nahuling lumabag.

Noong tanghali, 70 ang pribadong sasakyan na nahuling pumasok sa yellow lane at kaagad binigyan ng tiket ng mga tauhan ng MMDA.

Hinuli rin ang 27 bus na lumabas sa yellow lane at pumunta sa linya na para sa mga pribadong sasakyan o para sa mga point-to-point bus.

Huli din sa "no-contact apprehension" o paggamit ng CCTV at iba pang gadget ang 364 pribadong sasakyan at 114 bus.

Nagbigay ng kaunting luwag ang MMDA.

Matapos ang rush hour noong umaga, itinaboy at pinaalalahanan na lang ang mga sasakyang sumubok makapasok o lumabas ng yellow lane. 

Ayon kay MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia, nakatulong din sa pagluwag ng kalsada ang mga bus na ipinalabas ng kanilang ahensiya.

Dalawa ang biyahe ng mga bus kompara sa isang biyahe noong nakaraang linggo.

Inabot ng 51 minuto ang biyahe mula North Avenue hanggang Ayala Station.

Ayon kay Garcia, naging maluwag ang biyahe nitong Lunes sa EDSA.

Naitala ng MMDA ang takbong 40 hanggang 60 kilometro kada oras (kph) kompara sa dating 20 hanggang 25 kph na usad sa EDSA.

Nakiusap ang MMDA sa mga pasaway na biyahero na huwag na huwag nang lumabag sa batas-trapiko.

Sa Miyerkoles, Nobyembre 22, sisimulan naman ang paghuli sa motorcycle lane. 

Nasa P500 ang multa kapag nahuling lumabas ang rider sa linya.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.