Dating DDB chair, itinangging nagwaldas ng pondo sa biyahe sa Austria

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 06:02 PM | Updated as of Nov 20 2017 09:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinabulaanan ng dating pinuno ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang alegasyon ng Palasyo na nagwaldas siya ng pondo ng gobyerno para sa biyahe sa ibang bansa.

Nitong Lunes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isa sa mga dahilan kaya pinagbitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating DDB Chairperson Dionisio Santiago ay dahil sa mga maluluhong biyahe nito sa ibang bansa.

Nakatanggap umano ang Pangulo ng reklamo mula sa DDB Employees Union, na pinirmahan ng isang nagngangalang Priscilla Herrera. 

Kopya ng umano'y reklamong inihain ng Dangerous Drugs Board Employees Union laban sa dating DDB chairperson na si Dionisio Santiago. Kuha ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Nakasaad sa reklamo na isinama ni Santiago ang kaniyang pamilya at anim pang "paboritong" tauhan sa DDB nang dumalo sa isang pulong ukol sa droga sa Vienna, Austria.

Kasama rin umano ni Santiago ang kaniyang "girl Friday", o babaeng assistant. 

Pondo rin umano ng DDB ang ginamit na panggastos sa mga kasama ni Santiago bagama't siya lamang ang kinakailangang bumiyahe para dumalo sa pulong.

Itinanggi naman ni Santiago ang mga paratang na kaniyang nalaman dahil mismong misis pa niya ang tumawag sa kaniya para iparating ang nagsulputang alegasyon.

Depensa ni Santiago, may maayos na travel authority ang mga kasama niya sa pulong na masusing pinili rin bago napabilang sa delegasyon.

Pinaratangan din si Santiago na tumanggap ng pera mula sa mga drug lord at bahay mula kay Reynaldo Parojinog Sr., ang napaslang na alkalde ng Ozamiz na iniuugnay sa droga.

Sinabi ni Santiago na maaaring iba ang tinutukoy na "Santiago" na may kinalaman kay Parojinog.

Nilinaw naman ni Santiago na wala siyang sama ng loob sa Pangulo, pero humirit na hindi karapat-dapat na tagapagsalita ng Pangulo si Roque.

Hindi aniya tinitiyak ni Roque kung totoo ang mga impormasyong natatanggap.

Una nang naiulat na pinaalis sa puwesto si Santiago dahil sa pahayag niyang "mistake" o pagkakamali ang pagtayo ng malaking drug rehabilitation center sa isang military camp sa Nueva Ecija.

Noong Sabado, nagbabala si Duterte na sisibakin ang mga opisyal ng pamahalaan na bumibiyahe sa ibang bansa nang walang pahintulot, gamit pa ang pondo ng gobyerno.

“For those guy[s] who have been using money of the government, just easily going in and out of travel upon the invitation of maski sino'ng mga seminar-seminar and they are easy really just to, some of them without getting a permit and wasting the money of the people, I have to ask them to resign,” he said. 

“If at all, kung gusto ko man, kakaunti lang and those important meeting[s]. Not just iyong basta na lang na there’s a seminar about whatever—about farming, about corruption, about business, e hindi natin pera iyan e.”

-- May ulat nina Pia Gutierrez at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.