Babae, patay matapos magulungan ng trak sa Batangas

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 09:35 PM

Patay ang isang babae matapos magulungan ng trak Sabado ng gabi sa Sto. Tomas, Batangas.

Sa CCTV footage, nakitang nakatigil ang trak. Maya-maya ay nakitang nasa likuran nito ang isang motorsiklo.

Kumabig pakaliwa ang motorsiklo at nawala ang ilaw nito. Nang gumalaw ang trak, nakita na tila may nagulungan ito.

Nang silipin ng drayber ang ilalim ng trak, nakitang nagulungan nito ang babaeng angkas sa motorsiklo.

Isinugod pa sa ospital ang biktimang si Shiela Aala ngunit idineklara rin itong dead on arrival.

Ayon kay police Senior Insp. Erickson Go, sumingit ang motor sa harapan ng trak kaya hindi ito napansin ng drayber.

"Nung mag green na siya, nag-go na siya, nasa unahan niya itong van at merong biglang sumingit na motor galing dito sa kanan niya napansin na lang nung driver na nagulungan sila," aniya.

Sugatan rin si Mon Ryan Francisco, 35 taong gulang at drayber ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya, walang suot na helmet ang mga biktima. Hindi naman umano nakainom ng alak ang mga ito.

Sa ngayon ay nagkaroon na umano ng negosasyon sa pagitan ng mga sangkot sa insidente.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang drayber ng trak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.