2 patay, 3 sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 08:58 AM

MANILA - Dalawa ang patay habang 3 ang sugatan, kabilang ang isang 7-taong-gulang na bata, sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City, Lunes ng madaling-araw.

Sa Barangay Commonwealth, nakikipag-inuman lang sa labas ng kanilang bahay sa Kasunduan extension si Ronilo Emeterio, 31, nang bigla na siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman pasado hatinggabi.

Agad namatay si Emeterio. Nasugatan naman ang kaniyang 2 kainuman at 7-taong-gulang na anak na natutulog sa loob ng kanilang bahay.

"Mabait 'yan (Emeterio). Wala naman kaming alam na kaaway niyan," sabi ng kapatid niyang si Nilo.

Samantala, ilang oras lang ang nakakalipas, pinagbabaril din ang isang lalaki sa gilid ng kalsada sa Batasan Hills.

"May babae galing dito sabi may patay raw, nakarinig din ng putok, siguro 6, 7," sabi ng barangay tanod na si Forperio De Leon.

Hindi pa nakikilala ang biktimang nagtamo ng tama ng bala sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan. Nakasuot siya ng itim na t-shirt at grey na shorts, mayroong dragon tattoo sa kanang hita, nasa 5'3" ang taas at nasa 30 ang edad.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa 2 insidente. Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.