Lalaki, patay sa pamamaril sa Bacoor, Cavite

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2016 01:43 PM

CAVITE -- Patay sa pamamaril ang isang 57 anyos na lalaki sa Bacoor, Cavite Linggo ng umaga.

Naiwang nakabulagta ang bangkay ni Rodrigo Sabalasan matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Block 10 Gardenia Valley Subdivision sa Molino, Bacoor Cavite.

Dead on the spot si Sabalasan matapos siyang barilin nang makailang ulit dahil diumano ay nanlaban ito sa suspek.

Ayon sa anak ng biktima na si Mj Sabalasan, may maliit na lending business o pautang ang kaniyang ama at araw-araw itong nag-iikot sa mga may utang sa kaniya.

Maniningil sana ang biktima lulan ng kaniyang tricycle kasama ang dalawang staff na babae nang isang lalake ang pilit na inagaw ang body bag nito na naglalaman ng tinatayang nasa P24,000.

Nakipag-agawan diumano ang biktima kaya binaril ng suspek. Nakababa naman agad ang dalawang staff ng biktima.

Agad tumakbo ang suspek at sumakay sa motor na minamaneho ng kaniyang kasabwat.

Bagaman walang CCTV sa lugar, may isang nakakita sa pangyayari na kukunan ng salaysay ng mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.