Dalawang bahay, nasunog sa Quezon City

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2016 02:47 PM

QUEZON CITY -- Nasunog ang dalawang bahay sa Serrano Street, Barangay Doña Aurora, Quezon City Sabado ng gabi.

Bandang alas-otso ng gabi nang mapansin ng mga residente ang isang nasusunog na dalawang palapag na bahay.

Walang tao sa bahay kaya ang mga saksi sa sunong na ang nagbukas at nagsalba ng ilang gamit mula sa bahay.

Umakyat sa third alarm ang sunog at nadamay na rin ang katabi nitong bahay dahil sa kawalan ng firewall.

Idineklarang fire under control ang sunog ng 8:35 p.m. at naideklarang fire out ng 9:30 p.m.

Patuloy pa rin iniimbestigahan ang sanhi ng sunog pero lumalabas sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection Galas substation na sa isang kwarto sa ikalawang palapag nagmula ang sunog.

Posible umanong short circuit ang dahilan dahil aminado ang may-ari ng bahay na si John dela Fuente na iniwan niyang nakasaksak ang TV sa kaniyang kwarto.

Tinatayang nasa P100,000 ang halaga ng pinsala sa sunog pero posibleng mas malaki pa dito ang aktwal na halaga.

Wala namang nasugatan o nasawi sa sunog maliban sa dalawang alagang aso ng may-ari na nakulong sa loob ng bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.