Nagdadalamhati ang kaanak ng isa sa mga nasawi sa sunog kahapon sa Gawad Kalinga Village, Sitio Majada, Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna.
Nagsimula ang sunog sa isang ilegal na pagawaan ng mga paputok kung saan lima ang namatay habang dalawa naman ang nasugatan.
Hindi matanggap ni Richard Sancha ang sinapit ng kanyang anak na si Jhon Michael, bente uno anyos at natagpuang wala ng buhay sa nasunog na bahay.
Kuwento niya, pangarap ng kanyang anak na makapagtapos ng pag-aaral kaya nagta-trabaho ito para may pangtustos sa eskwelahan. Hindi naman niya alam na pagawaan pala ng mga paputok ang pinapasukan ng kanyang anak.
"Ang sabi lang sakin nung anak ko, nagtatrabaho siya dun sa papelan, sa pagawaan ng papel. Hindi ko naman alam na nagtatrabaho dun sa paputukan... Masakit. Ganun pa nangyari, namatay sa sunog. Talagang masakit para sa akin tapos nag-aaral pa yung anak ko," ani Sancha.
Bukod sa mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak, umaapela si Sancha ng tulong sa pagpapalibing nito.
Base sa spot report ng Calamba City Police Station, kabilang sa mga nasawi sina Leticia Corral, James Darwin Delluson, Ryan James Guttierrez, at Kenneth Buebo.
Samantala para makilala ang mga nasunog na biktima, nakatakdang i-autopsy ang kanilang mga labi ngayong Sabado.
"Sa mga bangkay po natin, isasailalim po natin sila sa autopsy examination saka po sa DNA testing kasi po hindi mo na talaga makilala yung mga bangkay, which is tusta po talaga totally," sabi ni PSSG Jhon Kevin Villarino ng Calamba City Police Station.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices) ang may-ari ng mga paputok.
"Bawal na bawal po yan, 'yung magtayo ng isang fabrication na paputok sa isang residential na area dahil marami pong puwedeng mangyari kagaya po nung nangyari," ani Villarino.
Maghahain rin ng kasong damage to property ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog.