Presyo ng gulay, karneng baboy sa Isabela hindi gumalaw matapos ang pagbaha- Albano

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2020 12:25 PM | Updated as of Nov 19 2020 01:21 PM

Sa ibabaw ng mga bubong lumikas ang mga residente sa Ilagan, Isabela matapos ang matinding pagbaha, Nobyembre 14, 2020. Bill Visaya, AFP

MAYNILA – Hindi gumalaw ang presyo ng gulay at karneng baboy sa Isabela matapos ang matinding pagbaha na dala ng bagyong Ulysses, ayon kay Isabela Governor Rodolfo Albano III.

Ito ang paglilinaw ng opisyal matapos mapaulat na sumipa ang presyo ng mga gulay at karneng baboy sa probinsya matapos ang kalamidad.

“Hindi naman po [tumaas]. Pina-monitor ko agad. Maraming relief [goods] na dumating. Umaapaw ‘yung relief so hindi muna nagbibilihan ang mga tao ngayon,” kuwento niya sa Teleradyo.

Hindi rin umano apektado ang suplay ng karneng baboy sa probinsiya kahit may banta ng African swine fever at nakatanggap din sila aniya ng mga gulay mula sa Benguet.

Dahil sa malawakang pinsala dala ng bagyo, nagpatupad na ng price freeze ang gobyerno sa mga agricultural at fishery products, at basic essential goods sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.

Kabilang sa basic agri-fishery commodities na saklaw ng price control ang mga sumusunod:

  • Bangus – P169
  • Tilapia – P120
  • Imported na galunggong – P180
  • Lokal na galunggong – P140
  • Karneng baboy (pigue/kasim) – P260
  • Karneng baboy (liempo) – P280
  • Karneng manok (whole) – P130
  • Refined sugar – P50
  • Brown sugar – P45
  • Pulang sibuyas – P100
  • Bawang – P100
  • Imported rice: special – P52; premium – P43; well-milled – P38
  • Local rice: special – P53; premium – P45; well-milled – P40
  • Itlog ng manok (medium) – P6.50 per piece
  • Cooking oil (30 ml) – P25
  • Cooking oil (1 liter) – P50

Dagdag ni Albano, naghahanda na sila sa paglilinis sa mga binahang lugar para maiwasan ang pagkalat ng sakit tulad ng dengue at diarrhea. Nagpabili na rin umano siya ng dagdag na face masks laban sa banta ng COVID-19.

Makatatanggap din umano ang Isabela ng nasa 18,500 bags na well-milled rice mula sa National Food Authority (NFA) na ipamimigay sa mga biktima ng bagyo.

Watch more in iWantTFC