MAYNILA - Wala pang pinal na desisyon ang Department of Health kung papayagan ang saliva test o paggamit ng laway para sa COVID-19 testing.
Sa budget deliberation sa Senado nitong Miyerkoles, tinanong ni Senate President Vicente Sotto III ang DOH kung may polisiya na sila sa paggamit ng saliva test dahil mura kasi anya ito.
Mula P1,500 hanggang P2,500 lang ang saliva test kumpara sa swab test na naglalaro sa P3,500 hanggang P11,000.
Less invasive din ito kaya mas makakahimok sa publiko na magpa test, ani Sotto.
Ayon kay Sen. Pia Cayetano, na siyang nagdedepensa sa budget ng DOH, wala pang desisyon ang ahensiya dito dahil hindi pa napatunayan sa test kung epektibo ito.
Kailangan ng Research Institute for Tropical Medicine pang magdagdag ng 1,400 tests para maikumpara ang resulta sa swab test.
"There is a panel of lab experts who say that there was a problem with the process and so they need to redo it and include 50 more test," ani Cayetano.
Sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo ay magbibigay ng update ang DOH hinggil sa saliva test, aniya.
Sa paggamit naman ng aso para amuyin at tukuyin ang tao na may COVID-19, sinabi ng DOH na wala pang sapat na pag-aaral na makapagsasabi na epektibo ang mga aso sa pagtukoy sa mga indibidwal na tinamaan ng nakakahawang sakit.--Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
DOH, saliva test, COVID-19 test, RITM, COVID-19, coronavirus, TeleRadyo, Tagalog news