Hinatiran ng ABS-CBN ng bigas, mga de lata, at inuming tubig ang mga residente ng barangay Pared sa Alcala, Cagayan. ABS-CBN News
Hilera ng mga tolda at mga alagang hayop na nakatali ang matatanaw sa tulay ng barangay Pared sa Alcala, Cagayan.
Dito pansamantalang nakasilong ang mga pamilyang hindi pa makabalik sa kanilang bahay na puno pa ng putik matapos malubog sa baha. Ang residenteng si Prosancia Cais, kasama ang 10 kamag-anak, nagkakasya sa isang maliit na waiting shed.
"Paano kami pupunta sa baba, wala kaming bahay. Wala kaming titirahan doon, makikiusap kami kay Kapitana na dito na lang," naiiyak na sabi ni Cais.
Waiting shed din na nilalagyan ng dingding na trapal ang bahay ngayon nina Wilfredo Verzola at ang kaniyang manugang na si Lorna, habang ang manugang niya ay sa katabing silungan ng palay nakapuwesto.
"Ngayon ko lang naranasan 'yung ganito katinding pagsubok. 'Pag harvest time dito namin iniimbak 'yung ano namin, kaso puwede naman siguro mag-stay," ani Lorna.
Nabuo ang mabigat na trapiko dahil sa dami ng nakatayo sa waiting shed kaya ginawa munang one-way ang Pared Bridge.
Nagsimulang maghandang lumipat ang ilang pamilya gaya ni Rosalinda Valdez, na namatayan ng anak at bayaw matapos makuryente habang nagre-rescue ng mga residenteng na-trap sa baha matapos ang bagyong Ulysses.
"'Yung anak ko na namatay mayroon pang maliit na anak kaya maawa naman kayo sa amin humihingi kami ng tulong wala na kaming tirahan," ani Valdez.
Bilang pantawid, hinatiran sila ng ABS-CBN ng bigas, mga de lata, at inuming tubig. May mainit ding pagkaing inihain sa kanila sa tulong ng mobile kitchen ng Sagip Kapamilya.
Palaisipan pa para sa mga residente ng barangay kung kailan sila tuluyang makakabalik, pero sa araw-araw na kailangan nilang iraos ang pangangailangan, kailangan nila ngayon ng pag-agapay.
Bukas ang ABS-CBN Foundation sa pagtanggap at paghahatid ng mga donasyon.
-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, hot meals, relief packs, Alcala, Cagayan, Alcala Cagayan, Lingkod Kapamilya, Sagip Kapamilya, public service