TINGNAN: Ground zero ng ‘Yolanda’ eco-tourism park na ngayon

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 09:17 PM | Updated as of Nov 19 2019 09:39 PM

Dinarayo ngayon ang isang eco-tourism park na noo’y ground zero ng Super Typhoon Yolanda sa San Jose District, Tacloban City. 

Sa naranasang pinsala dala ng storm surge noong bagyong tumama noong 2013, naging inspirasyon ng mga residente ng Barangay Paraiso at Barangay Burayan ang pagtatanim ng mga mangrove dahil nakita nila ang malaking naitulong nito noon. 

Napigilan ng mangrove ang posibleng pagdiretso sa kanila ng debris na dala ng storm surge.

“D’yan nga Ma’am mayroong 40-footer na seavan galing doon sa bodega ng BMC marketing pumasok d'yan, na-trap d'yan sa mangrove. Tapos mayroon pang dalawang lantsa doon pagkatapos ng bagyo,” ayon kay Roque Regis, presidente ng Paraiso Mangrove Eco-Learning Park.

Dahil sa maraming nangamatay na mangrove, binuhay nila noong 2015 ang programang pagtatanim ng mangrove sa Barangay Paraiso.

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Matapos ang ilang taon, hindi nila inaasahan na magiging isa pala itong eco-park.

“Ang sa isip lang naming para maproteksiyonan 'yung mga naninirahan dito, wala sa isip namin 'yung gawing eco-park, ito nagkataon lang na mayroong nag-encourage sa amin,” paliwanag ni Regis.

May ginawang pathway sa gitna ng mangrove na malalakaran ng mga turista. 

Sa ilalim ng semento ay ang mga eco-bricks na kinolekta mula sa mga estudyante ng iba’t ibang paaralan sa siyudad.

May mga cottage din na puwedeng pahingahan ng mga namamasyal, kabilang ang isang floating cottage.

Nasa P500 hanggang P800 ang renta ng mga ito.

May pagkain din na mabibili sa loob ng eco-park.

Ang balikbayang si Natty Colandog ay na-enjoy ang view kasama ang kaniyang mga kaibigan.

“Kailangan natin ng mga ganitong sitwasyon, 'yung mga ganitong bakasyon,” pahayag ng turistang si Colandog.

Para rin maging mas makabuluhan ang pagbisita sa park ay hinihikayat ang mga turista na magtanim ng mga mangrove.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.