Mga pasyente ng ospital sa Cotabato, pinalabas dahil sa lindol

Lore Mae L. Andong, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 12:30 AM

COTABATO CITY - Pinalabas ng ospital ang mga pasyente at empleyado ng Cotabato Regional and Medical Center Lunes ng gabi kasunod ng paglindol.

Sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, tumama ang magnitude 5.9 na lindol sa Kadingilan, Bukidnon bandang 9:22 ng gabi.

Naramdaman ang lindol sa Intensity 5 sa Kidapawan City habang Intensity 4 naman sa Davao at Cotabato City.

Ayon sa ilang pasyente ng ospital, kinabahan sila at natakot.

Sinabihan din sila ng hospital management na lumabas at magtungo sa hospital ground na tinukoy na evacuation site.

Bago mag alas-10, unti-unti nang pinapasok ng ospital ang mga pasyente na inalalayan ng medical staff.

Samantala, suspendido ang klase sa lahat ng antas sa parehong private at public schools sa Cotabato City upang bigyang-daan ang inspeksyon sa mga paaralan.

Sa Kidapawan City, wala pang namomonitor na pinsala kasunod ng naramdamang lindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.