PatrolPH

Lola natangayan ng P8-M sa 'love scam'

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 04:40 PM | Updated as of Nov 19 2019 07:59 PM

Arestado ang isang lalaking Nigerian sa Trece Martires City, Cavite dahil sa "love scam," kung saan natangayan niya ng P8 milyon ang isang lolang nakarelasyon online.

Dinampot ng mga tauhan ng Anti-Cybercrime Unit ng Calabarzon police ang suspek na si Chimaobi Michael Orijianya matapos nitong tanggapin ang P380,000 mula sa money mule na inutusan niyang mag-withdraw ng pera sa isang bangko.

Ang money mule ang siyang inuutusan ng mga sindikato para magbukas ng bank account at doon ipadala ang pera ng mga magiging biktima.

Isa sa mga biktima ni Orijianya si "Maria," isang 67 taong gulang na biyuda mula Cagayan Valley.

Watch more on iWantTFC

Noong nakaraang taon, isang nagpakilalang "Raymund Santos" ang nakarelasyon ni "Maria" sa pamamagitan ng chat.

Nagpakilala si Santos bilang engineer at contractor sa isang proyekto sa Malaysia pero dahil tapos na umano ang proyekto ay bumalik na siya sa London, United Kingdom, kung saan umano siya nakabase.

Pero na-hold daw ang bagahe ni Santos sa airport sa Malaysia, na may laman umanong US$ 28 milyon.

Isang "Jerry Lucas" na nagtatrabaho umano sa British embassy ang pinakontak ni Santos kay "Maria" para ma-release ang bagahe pero kailangan umano magbayad ng processing fee.

Kapalit daw nito ay magiging benepisyaryo umano ng US$ 28 milyon si "Maria."

Mula noong nakaraang taon, umabot na sa P8 milyon ang naihulog ni "Maria" sa iba't ibang bank account na ibinigay sa kaniya ng umano ay engineer pero walang dumating na bagahe.

Nakipagtulungan ang money mule na si alyas "Lita" para magkasa ng entrapment operation laban kay Orijianya.

Natuklasan din ng pulisya na isang taon nang expired ang visa ni Orijianya, na itinanggi ang mga paratang.

Nahaharap sa kasong estafa ang suspek.

Muli namang nagbabala ang pulisya sa publiko laban sa mga love scam, at nanawagan sa iba pang biktima ni Orijianya na lumantad at magsampa ng reklamo. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.