Lineman patay matapos makuryente sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 11:56 PM | Updated as of Nov 20 2019 12:13 AM

Ang kisame na trinabaho ng lineman na namatay matapos makuryente sa naturang parte ng bahay sa bayan ng San Nicolas sa Ilocos Norte. Kuha ni Marvin Agustin

SAN NICOLAS, Ilocos Norte - Patay ang isang lineman sa Barangay San Lorenzo sa bayan na ito Linggo ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Mark Angelo Gabug, 24, ng Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC).

Kwento ng kaanak nitong si Margarita Butay, nag-aayos ng linya ng kuryente ng kanilang kisame si Gabug nang mangyari ang aksidente.

Nakita ng isa sa mga apo ni Butay ang pangyayari at agad silang nagpatulong sa mga kapitbahay para ibaba ang biktima.

Kwento ng ama ni Gabug na si Arnel, posibleng may nasaging open wire ang anak. Wala rin umanong suot na anumang safety gear katulad na guwantes ang biktima, at nakaligtaang patayin nito ang main switch.

Apat na buwan pa lang lineman ng INEC ang biktima at day-off nito nang mangyari ang insidente.

Sa Ilocos Sur naman, isang estudyante ang nasawi matapos makuryente din sa Barangay Racis sa Vigan City nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Benedict Gum-uyen, 20.

Namumutol umano ang biktima ng kahoy kasama ang isa pang estudyante sa bahay ng kanilang guro nang mangyari ang insidente.

Kuha ng Vigan City PNP

Nakasagi umano ng linya ng kuryente ang biktima.

Ayon sa pamilya ng biktima, wala silang sinisisi sa pagkamatay nito. Tutulong umano ang guro sa anumang gastusin sa pagpapalibing sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.