Lalaking dinukot ng kapwa Chinese, nasagip sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 04:42 AM | Updated as of Nov 19 2019 04:59 AM

MAYNILA—Nasagip ng mga awtoridad Lunes ng gabi ang isang Chinese matapos umanong dukutin ng kaniyang kababayan.

Kuwento ng 27 anyos na si Zhou Zheng Qiang, nangutang siya ng P950,000 sa grupo ng mga Chinese na ni-refer ng kakilala para magsugal sa casino. 

Pero dahil natalo sa sugal, P80,000 lang ang naibalik niya. Binigyan siya ng grupo ng 4 na araw para makalikom ng pera. 

Sa tulong ng mga kaibigan at pamilya, nakabuo siya ng P1 milyon na pambayad. 

Pero kagabi, pinuwersa umano siyang kunin ng 3 lalaki sa isang clubhouse sa Makati City. Humingi pa umano kasi ng karagdagang P1 milyon ang grupo sa kaniya. 

Ayon sa biktima, bumiyahe sila ng Skyway Pasay at doon siya nakatawag pansin sa mga enforcer para humingi ng tulong. Doon na rin inaresto ang 3 niyang kababayan. 

Iniimbestigahan pa ng Pasay City police ang buong pangyayari.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.