8 condominium sa Davao hindi ligtas, ayon sa city engineer's office

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 10:27 PM | Updated as of Nov 19 2019 10:57 PM

DAVAO CITY - Sa 52 na pribadong gusali na sinuri sa Davao City, 8 dito ay naka-red tag o hindi ligtas gamitin dahil sa mga nadiskubreng crack sa mga column at beam.

Inirekomenda ng city engineering department ng Davao sa nagmamay-ari ng mga gusali nitong Martes na magsagawa agad ng repair o i-retrofit ang mga ito lalo't nakaramdaman ang lungsod ang intensity 4 matapos yanigin ng magnitude 5.9 na lindol ang Kadingilan, Bukidnon nitong Lunes.

Ayon kay Engr. Cirinia Grace Catubig ng Davao, ang 8 gusali ay mga condominium.

"Magsagawa na naman kami ng re-evaluation kung may nadagdag ba na damage as per October 29 and 31 na lindol. Sana wala na, natatakot lang kami kung may mas malakas pa na intensity," ani Catubig.

Hindi lang muna pinangalanan ng lokal na pamahalaan ang 8 condominium na dineklarang unsafe.

Inamin ni Richard Manila, ang regional director ng Housing and Land Use Regulatory Board - Davao Region, na may epekto sa negosyo sa mga condo ang malakas na pagyanig pero naniniwala siya na pansamantala lang ito.

"As I see it, there is apprehension or ambivalence in engaging in buying of these condos. We will see in the coming days coming from the reports of our stakeholders whether the sales have gone down," ani Manila.

Nag-obliga ang city engineers office na magsumite agad ng report ang mga may-ari ng mga condominium na naka-red tag bago magbigay ng notice to operate.

Noong Oktubre 31 ng taon na ito gumuho ang unang palapag ng condo na Ecoland 4000 sa Ecowest Drive sa lungsod matapos yumanig ang isang malakas na lindol.

Nakitaan din ng mga crack ang isang building ng Palmetto place na isa ring condo sa barangay Maa, kaya pinalikas ang mga nakatira dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.