2 barko ng Coast Guard Palawan, magpapatrolya sa Sulu Sea, West Philippine Sea

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 08:29 PM | Updated as of Nov 19 2019 09:20 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Dalawang bagong barko ng Philippine Coast Guard ang na-deploy kaninang umaga sa karagatan ng Palawan.

Sa isang send-off ceremony, inatasan ang BRP Cabra (MRRV 4409) na magpatrolya sa Sulu Sea habang ang BRP Sindangan (MRRV 4407) ay magpapatrolya naman sa West Philippine Sea.

Ayon sa Philippine Coast Guard, ang pagpapatrolya ay para mapalakas ang seguridad sa karagatang nasasakupan ng Palawan. Kabilang rito ang pagtutok sa piracy, smuggling, pagsalaula sa kalikasan, human trafficking, at terrorismo.

Nilinaw naman ng PCG na wala itong kinalaman sa mga namamataang Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea. Ang presensya nila ay para mabantayan rin ang kaligtasan ng mga mangingisda.

“Lahat ng may Filipino fisherman, we just want to see that they are safe and sound doon sa area. Yun lang naman po ang gusto natin, na maramdaman ng ating mga mangingisda ang presence ng ating mga mangingisda," ani Capt. Allan Corpuz, District Commander, PCG-Palawan.

Patuloy naman ang suporta na ibinibigay ng provincial government ng Palawan, lalo na at para ito sa kaligtasan rin ng mga Palaweño.

Samantala, inaasahan ng PCG na may mga karagdagang barko na parating sa bansa at inaasahan na isa sa pinakamalaking bagong barko ay dadalhin din sa Palawan.

“Buong kapuluan ang ating binabantayan. Pero inaasahan ko na ang pinakamalaki ay dito talaga kasi offshore talaga na malaki 'yun it can go further than small vessels," dagdag ni Corpuz.

Tatagal naman nang isang linggo ang pagpapatrolya ng dalawang barko sa karagatan ng Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.