PatrolPH

Makasaysayan: MILF chairman, bumisita sa Camp Aguinaldo

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2018 05:27 PM | Updated as of Nov 20 2018 12:20 AM

Sa unang pagkakataon, tumapak sa punong tanggapan ng militar sa Quezon City ang pinuno ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), tanda umano ng patuloy na bumubuting ugnayan sa pagitan ng dalawang panig matapos ang ilang dekada ng hindi pagkakasundo.

Bumisita ngayong Lunes sa Camp Aguinaldo si MILF Chairman Al Hajj Murad Ebrahim, halos apat na buwan matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang Bangsamoro Organic Law (BOL), na layong palawigin ang kapangyarihan ng mga Muslim sa Mindanao na pamahalaan ang kanilang rehiyon.

Ayon kay Murad, maging siya ay hindi makapaniwala na siya ay nakapasok sa kampo ng militar.

"To be very candid, during those years of war, I have talked only of destroying or neutralizing military camps and I never imagined during those dark days that I will one day step inside the military camp," sabi ni Murad.

Watch more on iWantTFC

Ang pagbisita ni Murad sa Camp Aguinaldo ay tugon sa pagbisita ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Carlito Galvez Jr. noong nakaraang buwan sa Camp Darapanan ng MILF sa Maguindanao, ayon kay Colonel Noel Daytona, hepe ng public affairs office ng militar.

Dati nang nakatrabaho ni Murad si Galvez nang magsilbi itong chairman ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities ng pamahalaan.

Ayon kay Galvez, bagaman magreretiro na siya sa Disyembre 12, patuloy pa rin daw siyang tutulong para maisulong ang kapayapaan sa Mindanao.

"In my capacity as a civilian individual, I have told them that I will dedicate most of my life, really, finishing what I've started, which is for peace in Mindanao," sabi ni Galvez.

Wala naman daw nakikitang problema ang magkabilang panig kaugnay sa plebisito na idaraos sa Enero para sa Bangsamoro Organic Law. 

Ang paraang tinitingnan ng MILF para makatulong sa pamahalaan ay ang pagkausap sa iba-ibang grupo sa Mindanao para suportahan ang pagtatag ng Bangsamoro.

"We are optimistic that we will succeed inshallah in our pursuit for peace, development for our people, for our homeland and for our entire coutry," sabi ni Murad ukol sa nalalapit na plebisito.

Dekada 70 pa nang magsimula ang pakikibaka ng MILF, ang pinakamalaking rebel group sa bansa, para pamahalaan ang sarili nilang rehiyon.

Libo-libong buhay na ang nawala dahil sa mga sagupaan pero natigil din ang mga ito noong nakaraang dekada dahil sa mga ceasefire na naging daan din para sa mga peace talk. --Ulat nina Jorge Cariño at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.