ALAMIN: Mga kalsadang isasara para sa pagbisita ni Xi Jinping

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2018 02:39 PM | Updated as of Nov 19 2018 02:58 PM

Isasara sa mga motorista ang ilang kalsada sa Maynila sa Martes kasabay sa pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping.

Magpapatupad ang Manila Traffic Enforcement Unit ng rerouting sa ilang kalsada malapit sa mga pagdarausan ng mga okasyong dadaluhan ni Xi, partikular ang wreath-laying ceremony sa Rizal Park.

Ipinapayo sa mga motorista na maghanap muna ng alternatibong ruta para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko.

Simula alas-6 ng umaga, isasara ang northbound at southbound lane ng Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang P. Ocampo.

Isasara rin ang northbound at southbound lane ng Bonifacio Drive mula Anda Circle hanggang Katigbak Drive, maging ang eastbound at westbound lane ng P. Burgos mula Lagusnilad hanggang Roxas Boulevard.

Hindi rin madadaanan ang eastbound at westbound lane ng Finance Road mula Taft Avenue hanggang P. Burgos, maging ang eastbound at westbound lane ng Kalaw Avenue mula M.H. Del Pilar Street hanggang Roxas Boulevard.

Isasara rin ang eastbound at westbound lane ng Quirino Avenue mula M.H. Del Pilar Street hanggang Roxas Boulevard.

Bawal ding daanan ang eastbound at westbound lane ng P. Ocampo mula Mabini hanggang Roxas Boulevard.

Inabisuhan din ang mga motorista na iwasan ang eastbound at westbound lane ng Ayala Boulevard mula Solano hanggang Taft Avenue, at ang kahabaan ng Solano mula P. Casal hanggang J.P. Laurel.

Nasa Pilipinas si Xi sa Martes at Miyerkoles para sa isang state visit.

Suspendido ang klase sa Maynila sa Martes, maging ang mga trabaho sa mga korte, kabilang ang Korte Suprema at Court of Appeals.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.