Suspek sa rape-slay ng 22-anyos na dalaga, arestado

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 10:27 AM | Updated as of Nov 19 2017 07:25 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Naaresto ng pulisya, Linggo, ang pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang 22-anyos na empleyada ng bangko sa Pasig.

Una nang sinabi ng pulisya na isang saksi ang huling nakakitang buhay sa biktimang si Mabel Cama habang kumakatok sa gate ng kanyang residential compound sa Ortigas Avenue Extension nitong Nobyembre 10 ng gabi. Ilang lalaki umano ang umaaligid noon sa biktima.

Nitong Nobyembre 12, natagpuan ang halos hubad na bangkay ni Cama sa isang abandonadong office building, 40 metro ang layo mula sa kanyang bahay.

Ilang oras bago nito, may nagtangkang sumunog sa gusali, pero naapula ito ng mga residente. Wala namang residente na pumasok sa gusali kaya inabot pa ng tanghali bago nakita ang bangkay ni Cama.
 
Sa panayam ng DZMM Radyo Patrol, kinilala ni Pasig police chief Senior Supt. Orlando Yebra ang suspek na si Randy Oavenada, empleyado at residente ng naturang office building.

Tumugma aniya ang mga fingerprint ni Oavenada sa mga sample sa cellphone na narekober malapit sa bangkay ng dalaga, gayundin sa mismong katawan nito.

Nagpositibo rin sa paggamit ng droga ang suspek, dagdag ni Yebra.

Nasa kustodiya ng Pasig police si Oavenada habang pinaghahanap ang isang pang suspek sa insidente.