PAGASA: Walang inaasahang bagyo ngayong linggo

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 12:41 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Maganda ang panahong inaasahan sa papasok ng linggo kasunod ng paglayo sa bansa ng Bagyong Tino, inanunsyo ng PAGASA, Linggo. 

Nitong Sabado umalis ng bansa ang bagyo. Namataan ito sa layong 275 kilometro kanluran ng Pagasa Island sa Palawan, alas-3 Linggo ng umaga. 

Walang inaasahang panibagong bagyo o low pressure area na papasok sa bansa sa susunod na 5 araw, sabi sa DZMM ni PAGASA specialist Aldczar Aurelio. 

Sa ngayon, umiiral pa rin aniya sa dulong Hilagang Luzon ang northeast monsoon o amihan. Dahil dito, makararanas ng malamig na panahon at mahihinang pag-ulan ang mga rehiyon ng Ilocos at Cordillera, gayunding ang lalawigan ng Batanes. 

Apektado naman ng tail-end ng cold front ang silangang bahagi ng Northern Luzon kaya iiral ang kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Aurora at Quezon, sabi ni Aurelio. 
 
Bisitahin ang ABS-CBN Weather Center para sa iba pang ulat-panahon.

DZMM, 19 Nobyembre2017 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.