P11-M 'smuggled' na bigas nasabat sa Davao Del Norte

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 12:48 PM

Iniinspeksyon ni Capt. Jose Ma Ambrosio Espeleta, deputy commander ng Naval Forces-Eastern Mindanao, ang bigas na nakumpiska sa Davao. Bonna Pamplona, ABS-CBN News

MANILA - Nakumpiska ng Philippine Navy ang 5,000 sako ng hinihinalang smuggled na bigas sa Davao Del Norte, Sabado ng gabi. 

Miyerkoles nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad na ibibiyahe ang bigas mula Zamboanga City patungo sa isang pribadong pantalan sa Maco, Compostella Valley, ayon kay Capt. Jose Ma Ambrosio Espeleta, deputy commander ng Naval Forces-Eastern Mindanao. 

Nasabat aniya ng Task Force Seahawk ang M/L Sunlight na may karga sa naturang kontrabando bandang 5 nautical miles silangan ng Island Garden City of Samal, Davao del Norte. 

"Wala silang dala na documents so we have to take them in dito sa Panacan [sa Davao City]," sabi ni Espeleta. 

Tinataya aniyang P11 milyon ang halaga ng nasa 250,000 kilo ng nasamsam na bigas. 

Inamin naman ni Ahndun Amil, kapitan ng Sunlight, na ihahatid sana nila ang kargamento sa isang "Johak Sahid." 

Ito na aniya ang pangalawang beses na nag-deliver sila ng bigas sa Maco, matapos silang magdala roon ng 7,000 sako ng bigas nitong Oktobre. 

Iniimbestigahan ng National Food Authority at Bureau of Customs kung saang bansa galing ang bigas. Ulat ni Bonna Pamplona, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.