Motorista patay sa 'araw ng pag-alaala ng mga biktima ng aksidente sa daan'

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 11:55 AM

MANILA - Patay ang isang motorcycle rider matapos sumalpok sa traffic island at puno sa Congressional Road sa Quezon City, Linggo kasabay ng pagdaraos ng araw ng pag-alaala sa mga biktima ng aksidente sa kalsada. 

Walang suot na helmet ang biktima at matulin ang takbo ng kanyang motorsiklo nang mawalan siya ng kontrol dito, sabi ng imbestigador na si PO3 Al Sotto.

Hindi pa aniya nakikilala ang biktimang nasa edad 25 pataas at hinihinalang nakainom. Isinugod naman sa pagamutan ang angkas niya. 

Samantala, nag-alay ng bulaklak at dasal ang Inter-Agency Council on Traffic at pribadong grupo na Ligtas Patrol sa kalapit na Commonwealth Avenue bilang paggunita sa World Day of Remembrance for Road Traffic Victims. 

Nagsagawa rin ng motorcade ang grupo patungo sa University of the Philippines-Diliman para sa isang programa.      

Nakiisa sa aktibidad ang ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP), Department of Transportation (DOTr), Department of Interior and Local Government at Metropolitan Manila Development Authority. 

Lumagda rin ng kasunduan ang DOTr at mga local government unit upang mapababa ang bilang ng aksidente sa lansangan. 
 
Laman ng kasunduan ang pagpapatupad ng mas mababang speed limit, paglulunsad ng online portal para sa road crash data, at pagbuo ng national road safety unit na tututok sa sa kaligtasaan sa daan. 

Sa tala ng DOTr, 108 ang nasawi sa mga aksidente sa Commonwealth Avenue pa lamang mula 2010 hanggang 2016. 

Umaabot naman sa 23,018 ang naitatalang aksidente ng pulisya sa buong bansa sa unang 3 quarter ng 2017. 

-- May ulat nina Jeff Hernaez at Ernie Manio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.