Mahigit 800 bilanggo, sumalang sa pagsusulit para sa diploma

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 03:58 PM

Isang bilanggo ang kumukuha ng elementary equivalency exam upang magkamit ng diploma at maituring na nakapagtapos sa elementarya. Kuha ni Dondi Tawatao, Reuters

Mahigit 800 bilanggo ng Manila City Jail ang kumuha ng pagsusulit nitong Linggo upang makakuha ng diploma at makapagtapos sa pag-aaral.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumahok ang mga bilanggo sa accreditation and equivalency test na bahagi ng alternative learning system ng Department of Education.

Batay sa tala ng Manila City Jail, nasa 243 ang kumuha ng pagsusulit para sa antas pang-elementarya habang 634 naman para sa high school.

Maituturing na nakapagtapos ang mga papalaring pumasa sa pagsusulit at makatatanggap ng diploma.

"May matutunan po ako para makapagtrabaho po ako pag labas ng kulungan," paliwanag ng isang bilanggo sa kaniyang pagkuha ng pagsusulit.

"Para ipagpatuloy ko 'yong hindi ko natapos na pag-aaral," dahilan ng isa pang bilanggo.

Para sa mga may diploma na, maaari naman silang ipasok sa programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) o magamit ang resulta ng pagsusulit sa pagkuha ng trabaho kapag nakalaya.-- May ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.