TFC News

PH coffee tasting event sa Copenhagen, patok

TFC News

Posted at Nov 18 2023 05:34 PM

COPENHAGEN - Dinumog ng Pinoy at Danish coffee lovers ang Philippine-themed coffee event “Filippinsk Kaffedag” ng Philippine Embassy sa Copenhagen noong November 9.

Dalawang Arabica single-origin coffees na “Sagada” at “Mt. Apo,” ang ipinatikim sa mga dumalo sa event. Kasama sa mga sumampol ng Pinoy coffee ang mga kinatawan ng global coffee company JDE-Peet’s, ang pinakamalaking kumpanya ng kape sa Europa.

1
Copenhagen PE

Inihain ang “Sagada” gamit ang iba-ibang paraan tulad ng espresso, ristretto, lungo, at americano. Ginamitan naman ng pour-over/Chemex ang “Mt. Apo.”

Pinarisan naman ng iba-ibang Filipino desserts ang mga kape tulad ng biko (Filipino sticky rice) at bibingkang kamoteng kahoy (cassava cake).

Bago ang coffee tasting, nagbigay ang Philippine Embassy ng impormasyon tungkol sa iba-ibang uri ng kapeng itinatanim sa Pilipinas, ang sitwasyon ng coffee growers ng bansa at ang malaking potensyal nito sa international market.

2
Copenhagen PE

Ayon sa survey, 100% ng mga dumalo at nakatikim ng kapeng Pilipino ay nagustuhan ang kakaibang sarap ng kape mula sa kabundukan ng Cordillera at mayamang lupa ng Mindanao.

May 38.5% na nagsabing matapang ang lasa at 30.8% bilang katamtaman lang. Sa aroma, karamihan ng mga bisita ay ang nagsabi na smoky at nutty ang “Sagada” variety.

Samantalang ang “Mt. Apo” variety naman ay smoky at ‘herby.’ Naging katuwang ng embahada ang Café Nabo, isang local café in Copenhagen.

3
Copenhagen PE

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan Denmark, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.