PatrolPH

Lalaki arestado sa estafa, tumalbog na tseke

Champ de Lunas, ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2023 07:46 AM

MAYNILA — Kusang sumunod sa mga otoridad si Aaron Macapagal nang arestuhin nitong Huwebes ng hapon sa Pasay City, dahil sa patong-patong na kaso.

Ayon sa La Loma Police Station, may tatlong kaso ng Estafa, isang Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instruments of Credit at 2 counts ng paglabag ang Bouncing Checks Law na isinampa laban sa kanya.

Base sa isang warrant of arrest, hindi makapag-piyansa sa isang kaso ng Estafa si Macapagal dahil may service of sentence na ito.

Ayon kay Lt. Col Romil Avenido, hepe ng La Loma Police Station, gumagamit ng fake accounts sa social media ang suspek para makapangloko sa mga biktima sa San Fernando City at Angeles City sa Pampanga. 

"Ang pagkakaalam natin, matagal nang nagtatago ito. Matagal nang hinahanap ng mga na-agrabyado niyang mga biktima. Dahil nga limang warrant of arrest ang na-issue sa kanya so makikita natin na marami siyang nabiktima na mga tao doon sa Pampanga."

Nakatanggap ng impormasyon ang La Loma Police Station sa kinaroroonan ni Macapagal kaya agad nilang isinilbi ang warrants of arrest.

Aminado ang suspek na ilegal ang kanyang ginawa.

"It came to a point po before nag-fail po ako sa business ko and nasampahan po ako ng mga kaso sa Pampanga. I’m willing to face it naman po. So, yun po yung talaga ngayon — na totally plano ko linisin name ko kaya po at least thankful na rin po ako kung bakit nakuha na rin po ako,” sabi ng 37-anyos na suspek.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa La Loma Police Custodial facility.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.