VANUATU - Ginawaran ng prestihiyosong Vanuatu Presidential Medal ang Pilipinang si Marylin Serrano noong November 2, 2022 na ginanap sa Grand Hotel in Port Vila. Mismong ang Pangulo ng Republika ng Vanuatu na si Nikenike Vurobaravu ang naggawad ng parangal kay Serrano.
Ang paggawad ni Vanuatu President Nikenike Vurobaravu sa Pilipinang si Marylin Serrano ng Presidential Medal
Ayon pa sa Department of Foreign Affairs o DFA, ang Presidential Medal of the Vanuatu Government ay ang pinakamataas na civilian honor na ibinibigay sa mga karapat-dapat na indibidwal na nagbigay ng mahahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng nasabing bansa.
Si Marylin Serrano ay nagsilbing Presidente ng Vanuatu International Women’s Group o IWG kung saan naipakita niya ang kanyang malasakit para sa pagsusulong ng mga kapakanan at karapatan ng mga kababaihan at kabataan ng Vanuatu. Naging daan din si Serrano sa paglikom ng pondo para sa iba-ibang proyekto para sa kapakinabangan ng iba-ibang komunidad sa bansa.
Si Serrano ang ikalawang Pilipinong nabigyan ng Presidential Medal. Una nang nakatanggap ng kaparehong parangal ang kanyang asawa na si Philippine Honorary Consul General in Vanuatu Mr. Florentino “Bong” Serrano noong October 2020. Ang mag-asawang Serrano ang kauna-unahang couple na nabigyan ng nasabing prestihiyosong parangal.
Si Marylin Serrano sa Presidential Medal Awarding ceremony noong November 2 kasama si Vanuatu President Nikenike Vurobaravu at ang iba pang awardees.
Ang mag-asawa rin ang kauna-unahang mga Pilipinong nagawaran ng “honor of adoption” sa Ifira Tribe, ang pinakamalaking tribu sa Vanuatu kung saan nabibilang ang kasalukuyang Prime Minister ng republika.