Inihahanda ng medical staff ng National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City ang COVID-19 booster shoot na ibibigay sa mga tauhan ng ospital. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA— Sa susunod na taon pa maaaring masimulan ang pagbibigay ng COVID-19 booster shots sa general public, sabi ngayong Huwebes ng miyembro ng vaccine expert panel ng pamahalaan.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, prayoridad sa ngayon ang pagbibigay ng booster shot sa mga health workers kasunod ang matatanda at may comorbidities o may sakit.
"For the general public it's a different scenario because the general public is at risk but not as high risk compared dito sa mga first three [priority] groups of population," ani Solante sa panayam ng Teleradyo.
Noong Miyerkoles, umarangkada ang pagbibigay ng booster shot sa mga health worker. Kabilang sa mga unang nakatanggap ang mga tauhan ng National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City.
Ayon din kay Solante, hindi gaya ng health workers, maaaring hindi payagan ang mga ordinaryong mamamayan na pumili ng brand ng bakunang ituturok bilang booster shot.
Samantala, binubuo na ang guidelines para sa pagbibigay ng booster shots sa mga senior citizen at immunocompromised, na inaasahang magsisimula sa susunod na linggo.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, miyembro ng technical advisory group ng Department of Health, inaasahang lalabas ang guidelines sa susunod na linggo.
Posible kasi aniyang iba ang polisiya ng pagtuturok ng booster shot sa health workers kumpara sa mga sumunod na priority group.
"Tinitingnan, inoobserbahan rin po natin kung ilan 'yong magkakaroon ng reaksiyon at kung mayroon pa po tayong mga karagdagang safety issues na kailangan i-consider," ani Salvana.
Sa huling tala, 32.2 milyon na ang fully-vaccinated sa bansa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.