Suspek sa panghoholdap kritikal nang makaengkuwentro ng mga pulis sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2020 02:42 PM

MAYNILA - Kritikal ang isa sa 3 suspek ng panghoholdap matapos umanong makaengkuwentro ng mga umaarestong pulis sa Quezon City nitong Martes.

Kinilala ng mga awtoridad ang kritikal na suspek bilang si Steven dela Cruz, na isinugod sa Quezon City General Hospital matapos tamaan habang nakikipagbarilan sa mga pulis.

Naaresto naman ang isang kasamahan ni Dela Cruz na si Winston Doctolero habang patuloy na tinutugis ang kasamahan nilang si John Doctolero.

Tanghali ng Martes nang hinoldap umano ng mga suspek — na kinilalang mga miyembro ng Doctolero robbery-holdup group — ang isang babae sa may Barangay Katipunan.

Nang magsagawa ng follow-up operation ang mga pulis, naabutan ang 3 suspek sa Barangay Toro at doon na nagkaroon ng engkuwentro, ayon sa mga awtoridad.

Sinampahan ng kasong robbery-holdup, direct assault at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek.

FROM THE ARCHIVES:

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.