Paghahanap sa lalaking inanod sa Rodriguez, Rizal tuloy pa rin

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2020 04:53 PM

 

MAYNILA - Humihingi ng tulong sa publiko ang lokal na pamahalaan ng Rodriguez sa Rizal para sa paghahanap sa 41-anyos na residente nitong inanod ng rumaragasang tubig sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Ayon kay Councilor Edgardo Sison, hanggang ngayong Miyerkoles ay hindi pa nahahanap si Laurino Rabal Jr.

“Sa Sitio Wawa, Barangay San Rafael, si Laurino na lang po ang nawawala. Until now, ‘di pa nakikita. Kawawa naman po,” sabi ni Sison sa panayam sa TeleRadyo.

Watch more in iWantTFC

Kuwento ni Sison, madaling araw noong kasagsagan ng bagyong Ulysses noong Nobyembre 11 ay paakyat na ang lebel ng tubig sa lugar.

“Itong si Laurino, pinilit pumasok sa bahay ng nanay niya kasi inaabot na po,” sabi ni Sison.

Matapos makalabas, bumalik umano ulit si Rabal sa bahay para putulin ang nakasabit na mga wire.

“Nung pinuputol niya yung wire, biglang lumusot yung tinatayuan niya. Nung lumusot, nawala na po siya. May kasama siyang 3 bilas niya, hindi naman siya mailigtas dahil bigla siyang nawala," sabi ni Sison.

Umabot ang kanilang search and retrieval operations sa Marikina, San Mateo, hanggang Pasig, pero bigo pa rin silang mahanap si Rabal.

Para sa may impormasyon sa kinaroroonan ni Rabal, ipagbigay-alam sa: 0908-236-4650 / 0906-374-6013 / 0915-750-7562

Watch more in iWantTFC