Mga lugar sa Batangas City na na-isolate dahil sa bagyo unti-unti nang napapasok

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2020 04:38 PM

Isang daanan sa Barangay Talahib Pandayan, Batangas City, na na-isolate dahil sa mga bahang dulot ng sunod-sunod na mga bagyo. ABS-CBN News

Unti-unti nang napapasok ang mga lugar sa Batangas City na na-isolate o hirap mapuntahan matapos manalasa ang magkakasunod na bagyo.

Kasama rito ang 5 sitio sa Barangay Talahib Pandayan, na na-isolate matapos masira ang mga daan dahil sa matinding pagbaha.

Dala ang relief goods mula Lingkod Kapamilya, naabot ng ABS-CBN News ang Sitio Tibig sa naturang barangay.

Para makakuha ng ayuda, tiniis ng mga residente ang isang oras na paglalakad mula sa bundok at ganun rin katagal pabalik.

"Mahirap dahil walang hanapbuhay. Ang aming mga halaman, nasira pa rin ng bagyo," sabi ng residenteng si Celia Maranan.

"Wala naman pagkakakitaan ngayon dito sa amin. Ano nga pong hanapbuhay, mga niyog, nadala na rin ng baha," sabi naman ni Apolonia Sevilla.

Nasa 400 pamilya sa Barangay Talahib Pandayan ang nasiraan ng bahay dahil sa mga nagdaang bagyo.

Nagpapasalamat ang mga taga-barangay na kahit nasa bundok sila at nasa dulong bahagi ng Batangas City ay marami ang nagpaabot ng tulong nang mabatid ang sinapit ng kanilang komunidad.

"Napakalaki po ng pasasalamat sa ABS-CBN sapagkat sila ang nagbukas ng aming pagbangon," ani Mike Makalalad, chairperson ng Barangay Talahib Pandayan.

Sa karatig-barangay naman na Dela Paz, na nasa tabi lang ng dagat, sinisimulan na rin ng mga residente ang kanilang pagbangon kasunod ng pananalasa ng bagyo.

Sa Sitio Maalbo, pinagtagpi-tagpi ng mga residente ang mga natirang bahagi ng kanilang bahay, na tinamaan ng daluyong, para makabuo ng pansamantalang masisilungan.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.