Evacuees sa San Mateo, Rizal dinalhan ng pagkain

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2020 07:58 PM

Nagdala ng pagkain ang Lingkod Kapamilya sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses na kasalukuyang tumutuloy sa evacuation center sa San Mateo, Rizal. ABS-CBN News

Sirang appliance at iba pang gamit na balot sa putik ang isa-isang pinulot ni Reschelle Cruz sa kanilang bahay na binaha sa Barangay Santa Ana, San Mateo, Rizal kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses. 

"Hindi ko alam kung paano ako magsisimula ng bagong buhay ko," ani Cruz.

Ito ang pangalawang beses na naranasan ni Cruz ang matinding pagbaha sa kanilang lugar.

"Una 'yong Ondoy... parang nawalan ako ng pag-asa sa buhay kasi sobra ang damage ng Ondoy, mas malala. Ito naman, dahan-dahan siya kaya lang ang tagal bumaba ng tubig," aniya.

Hindi rin nakaligtas sa baha ang sari-sari store ni Regina Tikes. Pinilit nilang isalba ang kaunting paninda dahil ito ang tanging hanapbuhay nila.

Halos mawala naman ang bakas ng bahay ni Krisanto Agas, na nasa tabing-ilog at tinangay ng rumaragasang tubig.

"Ang bilis ng taas ng tubig," ani Agas.

Kabilang ang mga pamilya nina Agas, Tikes, at Cruz sa nasa higit 600 pamilyang nakasilong pa rin ngayon sa San Mateo Elementary School sa Rizal.

Dinalhan ang mga evacuee ng pagkaing luto ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.