Patuloy na naghahanap ang ilang residente ng Kasiglahan Village sa Rodriguez, Rizal ng mga gamit na maaari pang maisalba matapos masalanta ng pagbaha dala ng bagyong Ulysses noong nakaraang linggo. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Nagsimula na ang malawakang clearing operation sa Rodriguez, Rizal, halos isang linggo matapos makaranas ng matinding pagbaha ang bayan dulot ng bagyong Ulysses.
Tantiya ng mga taga-Rodriguez ay mahina ang isang linggo at baka abutin ng isang buwan ang clearing operation dahil mula tuhod hanggang baywang ang naipong tubig-baha na puno rin ng putik, basura, at patay na hayop.
Kaya nanawagan ang mga residente na sana'y madagdagan ang heavy equipment para malinis agad ang mga bahay nila.
Hirap ang mga taga-Rodriguez na magpabalik-balik sa kanilang lubog na mga bahay at evacuation center, kung saan namimigay ng relief goods.
"Sa ngayon, pahirap nang pahirap ang buhay... mahirap paglabas-labas para [kumuha] ng relief dito sa labas," anang residenteng si Joseph Priol.
"Malalim ang putik," sabi naman ni Nolan Derong, na nananatili sa lugar na hindi pa narating ng mga nag-clearing operation.
"Sana matulungan kami, kahit bigas at kumot," dagdag niya.
Ibang evacuees inilipat
Siksikan pa rin sa Kasiglahan Village Senior High School na ginamit na isang evacuation center kaya ang ibang lumikas ay inilipat sa Kasiglahan Village Elementary School.
Sa dami ng mga hindi pa nakababalik sa kanilang mga bahay, nagtatalo na ang mga evacuee kapag may dumarating na relief goods.
"Kami 'yong walang bahay, kami ang nahihirapan. Hindi kami masyado nabibigyan. Kailangan namin tubig, kumot," sabi ni Rosalie Perez.
Marami rin sa evacuees ang nagkakasakit at nagpapakonsulta sa mga doktor at nurse ng Department of Health.
Inii-screen muna at kinukuhanan sila ng temperatura bago mag-check up.
May mga batang sinisipon at inuubo at matatandang may alipunga at sugat sa paa. Mayroon ding evacuees na nanghihingi ng mga bitamina.
"'Yong sa paa po namin kasi kadalasan po talaga mga alipunga po ta's namamaga na ang paa namin, tapos ang ayuda hindi nakakarating sa'min," sabi ni Nanette Sansan.
Kasal natuloy
Sa gitna ng trahedya, may bagong pag-asa para sa magkapareha na ikinasal sa Kasiglahan Village.
Para lang matuloy ang kasal, naghanap ang magkapareha ng kapalit na reception venue, na maputik din dahil sa baha.
RELATED VIDEO:
-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Rodriguez, Rizal, baha, putik, basura, road clearing, clearnig operation, Ulysses, UlyssesPH, Ulysses aftermath, evacuation center, Rizal flood Ulysses, Rodriguez flood 2020, Philippines flood 2020, TV Patrol, Adrian Ayalin